
Umalma ang pamilya Aquino at grupong August Twenty-One Movement (ATOM) sa ginawang paghahalintulad ni Vice President Sara Duterte sa kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pinatay na si yumaong Senador Ninoy Aquino Jr. kung babalik ng Pilipinas.
Sa statement na inilabas ng mga Aquino, binigyan-diin ng mga ito na kung pag-aaralan ang kasaysayan ay napakalayo ang pinagdaanan ni Ninoy sa nangyayari ngayon sa dating pangulo.
Samantala, tinuligsa naman ng grupong ATOM ang umano’y pilit na nakikisakay ang ilang mga supporters ni Duterte sa kabayanihan ni Ninoy Aquino na isang desperadong hakbang upang magmukhang “underdogs” sa mata ng mga Pilipino.
Anila, kailanman ay hindi magiging Ninoy si Digong.
Ipinaalala pa ng grupong ATOM na si Ninoy ay isang political prisoner na inilaban ang demokrasya ng bansa.
Habang si dating Pangulong Duterte ay ipinaaresto ng International Criminal Court (ICC) bunsod sa madugong “war on drugs” at mga isyu sa human rights.