Isinagawa ang isang misa na pinangunhan ni Most Reverend Archbishop of Lingayen-Dagupan Socrates B. Villegas sa Sto.Domingo church sa Quezon City.
Ito’y bilang paggunita ng ika-40 anibersaryo ng kamatayan ni Sen. Benigno “Ninoy” Aquino Jr.
Ang nasabing misa ay dinaluhan ng pamilya Aquino kasama ang ilang kaibigan nila.
Sa naging homily ni Archbishop Villegas, inalala nito ang mga naging desisyon at plano o hakbang yumaong senador para sa kapakapan ng bansa upang matapos na ang panahon ng diktatorya.
Aniya, hindi alintana na magiging kapalit ng buhay ni Sen. Ninoy ang pagkakaroon ng kalayaan ng bansa.
Sinabi pa ni Archbishop Villegas, hindi dapat kalimutan ang nagawa ni Sen. Ninoy kung saan huwag hayaan ng bawat isa na muling matapakan at mabalewala ang karapatan ng bawat Pilipino.
Nasa libu-libong taga-suporta naman ng pamilya Aquino ang nakibahagi sa misa kung saan una silang nagkasa ng motorcade at binisita rin nila ang bantayog ni Sen. Ninoy.
Matatandaan naman ginanap ang burol noon ni Sen. Ninoy sa Sto. Domingo Church kaya’t dito isinagawa ang misa sa kaniyang ika-40 anibersaryo ng kamatayan.