Pamilya at supporters ni Mary Jane Veloso, nagsasagawa ng vigil para sa clemency ni Mary Jane

Naglunsad ng vigil sa Baclaran Church ang pamilya at supporters ni Mary Jane Veloso.

Ito ay para sa ligtas na pag-uwi sa bansa ni Mary Jane bukas at para na rin sa kanilang kahilingan na mabigyan ng clemency si Mary Jane pagdating sa Pilipinas.

Kasama ng pamilya Veloso sa pagdaraos ng vigil ang Migrante International at ang Task Force to Save Mary Jane Veloso.


Dumalo rin sa Simbang Gabi sa Baclaran Church ang pamilya Veloso.

Ayon sa pamilya Veloso, umaasa sila na makakasama nila sa Pasko si Mary Jane.

Samantala, kinumpirma ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio Catapang Jr. na idederetso bukas si Mary Jane sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City.

Ito ay base aniya sa BuCor manual ng admission at confinement para sa persons deprived of liberty (PDL).

Kinumpirma rin ni Catapang na limang araw na sasailalim si Mary Jane sa mandatory quarantine kung saan ilalagay ito sa regular na medical quarantine cell at oobserbahan para sa anumang physical o mental illness.

Facebook Comments