Pamilya Dacera, hindi tinanggap ang medico legal report ng PNP; DNA ni Christine hinihiling

Walang plano ang pamilya ng Philippine Airlines (PAL) flight attendant na si Christine Dacera na tanggapin ang resulta ng medical examination na natural cause ang sanhi ng pagkamatay nito.

Sa isang press conference, sinabi ni Sharon Dacera, ina ng biktima, hindi sila naniniwala sa resulta ng eksaminasyon ng Philippine National Police (PNP) Crime Laboratory.

Kung titingnan daw ang mga isinumiteng medical records ng kanyang anak sa PAL, walang problema sa kalusugan ang dalaga, bagay na pinayagan itong makasakay ng eroplano ng apat na beses sa loob ng isang araw.


Kinwestyon din ng pamilya Dacera ang kredibilidad ng doktor na sumuri sa labi ng kanyang anak na hindi man lamang daw nag-abiso bago isailalim sa pagsusuri ang mga labi ng dalaga.

Paliwanag naman ni Atty. Brick Reyes, abogado ng pamilya, hihingiin nila sa National Bureau of Investigation (NBI) ang DNA examination sa bangkay ni Christine upang malaman kung kaninong likido ang nasa katawan nito.

Kasama sa gagawing DNA examination ang lahat ng mga taong nakasama ni Christine noong January 1, araw ng kanyang pagkamatay.

Base sa mga ipinakitang larawan ng pamilya, puno ng sugat at pasa ang bangkay ng dalaga noong ito ay dalhin sa isang ospital sa Makati.

Naniniwala rin ang kampo ng pamilya na mayroong cover- up na nangyari sa imbestigasyon ng PNP kung kaya’t pinapalabas na natural cause ang pagkamatay ng flight attendant.

Facebook Comments