PAMILYA DE VENECIA, NAGPASALAMAT SA MALAWAK NA PAKIKIRAMAY AT PAGPUPUGAY KAY JDV

Nagpaabot ng taos-pusong pasasalamat sina Congresswoman Gina de Venecia at dating Congressman Christopher de Venecia, kasama ang buong pamilya, sa lahat ng nakiramay at nagbigay-pugay sa yumaong dating 5-time House Speaker na si Jose de Venecia Jr..

Sa kanilang mensahe sa dalawang gabing espesyal na pag-alala kay JDV sa Dagupan City, pinasalamatan nila ang mga opisyal ng pamahalaan, matagal na kaibigan, dating kasamahan sa trabaho, at higit sa lahat, ang mga karaniwang mamamayan na nagpakita ng tunay na pagmamahal at suporta sa kanilang ama at haligi ng pamilya.

Ayon sa pamilya, labis nilang pinahahalagahan ang pagbuhos ng pakikiramay at pagkilala sa naging ambag ni JDV hindi lamang sa Pangasinan kundi sa buong bansa at maging sa international community.

Matapos ang banal na misa kanina sa Our Lady of Manaoag, idederetso ang labi ni JDV sa Batasang Pambansa Complex para sa isasagawang state funeral ngayong araw.

Nakatakda namang ihimlay ang dating lider sa Libingan ng mga Bayani sa Pebrero 18, bilang pagkilala sa kanyang mahabang taon ng serbisyo publiko at ambag sa kasaysayan ng bansa.

Facebook Comments