Pamilya Delos Santos, nagamit lamang ng Pangulong Duterte ayon sa isang kongresista

Manila, Philippines – Duda si Akbayan Rep. Tom Villarin sa ginawang pakikipagpulong ni Pangulong Duterte sa pamilya ng napaslang na Grade 11 student na si Kian delos Santos.

Ayon kay Villarin, mukhang ginamit lamang ng Pangulong Duterte ang pamilyang delos Santos para pahupain ang galit na nadarama ng publiko sa war on drugs ng pamahalaan.

Sinabi ni Villarin na bahagi lamang ito ng media blitz ng Duterte administration para ipakita sa publiko ang mga magulang ni Kian na biktima ng war against drugs.


Giit ni Villarin, hindi na nakakapagtaka ito dahil sanay ang Pangulo na magmanipula ng tao at mga pangyayari para umayon sa kagustuhan nito kahit pa noong alkalde pa ito ng Davao.

Lumalabas tuloy ngayon na bayani pa ang Pangulo mula sa pagiging kontrabida at naging justice crusader na sa mata ng ilan.

Sa kabila nito, binigyang diin ni Villarin na hindi na mababago ni Duterte ang katotohanan na dumanak na ang dugo dahil sa giyera nito kontra iligal na droga.

Facebook Comments