Pamilya Laude, kinondena ang absolute pardon na iginawad kay Pemberton

Hindi katanggap-tanggap sa pamilya ng pinaslang na transgender woman na si Jennifer Laude ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na bigyan ng absolute pardon si convicted United States Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton.

Ayon kay Atty. Virginia Lacsa Suarez, abogado ng pamilya Laude, mariin nilang kinondena ang pardon na ibinigay ni Pangulong Duterte.

Iginiit pa ni Suarez na hindi ito makatarungan hindi lamang sa pamilya Laude kundi pati na rin sa buong sambayanang Pilipino.


Ang ibinigay na pardon ay kalapastanganan sa soberenya at demokrasya ng Pilipinas at pagpakikita ng pagyuko ng Pilipinas sa Estados Unidos.

Kinuwestyon din ni Suarez ang pagbibigay ng pardon sa isang dayuhang gumawa ng isang karumal-dumal na krimen gayung mas maraming Pilipinong convict na ilang taong isinilbi ang kanilang sentensya na mas karapat-dapat na makalaya.

Ang pagpatay kay Jennifer ay sumasalamin sa sistematikong diskriminasyon at karahasahang ginagawa ng US sa mga kababaihan, mga bata, maging sa mga miyembro ng LGBTQ+ Community.

Maituturing din itong pambabastos sa judiciary at legal system ng bansa.

Facebook Comments