PAMILYA NA DATING KABILANG SA REBELDENG GRUPO, SUMUKO NA SA PAMAHALAAN

Cauayan City, Isabela- Kusang-loob na sumuko sa mga awtoridad ang tatlong miyembro ng New People’s Army (NPA) bitbit ang kanilang high-powered firearm sa Sitio Lagis, Brgy. Sindun Bayabo, City of Ilagan, Isabela.

Sa eksklusibong panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PCOL. Julio Go, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office, kinilala ang mga sumuko na sina alias Alpha, 40, alias Teresa,35, at kanilang anak na si alias Rikson, 18 mula sa San Mariano, Isabela hanggang sa pinalaya ang kanilang sarili sa Communist Terrorist Group (CTG) mula noong sila ay umanib noong Pebrero 2016.

Kabilang sa Section Guerilla Unit (SGU) Komiteng Probinsya (KOMPROB) Isabela, Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley (KR-CV) ang mga sumukong rebelde na pinamumunuan ni “Ka Davao”.

Boluntaryong sumuko ang dating mga rebelde sa mga tauhan ng CTG Tracker Team of 1st Isabela Police Mobile Force Company sa pamumuno ni PLtCol Jeffrey Raposas, Isabela Police Intelligence Unit, Ilagan CPS – IPPO, CIDG, 201st Maneuver Company, Task Force MANGBALBALIW ng 86IB at 95IB ng 5th Infantry Division Philippine Army.

Ayon pa kay PCol. Go, batay sa salaysay ng mga sumukong rebelde na ang dahilan kung bakit sila nahikayat na umanib sa grupo ay ang maling indoctrination laban sa gobyerno at kalaunan ay binigyan ang mga ito ng armas ng noo’y si “Ka Yuni” upang makipaglaban sa pamahalaan.

Samantala, mayroon ng 20 ang nai-turn over sa tanggapan ng Provincial Social Welfare and Development (PSWD), tatlo naman ang hinihintay pa ang pag-apruba at limampu’t walo pa ang kasalukuyang ipinoproseso ang kanilang pagkakabilang sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng pamahalaan.

Dagdag pa ni Go, nagpapasalamat ito sa mga sumukong former rebels dahil sa pagtugon sa panawagan na sila ay sumuko at mamuhay ng tahimik para sa kanilang pamilya.

Ikinustodiya pansamantala ang tatlong rebelde sa CTG Tracker Team at Task Force MANGBALBALIW habang inihahanda ang kanilang matatanggap na tulong mula sa pamahalaan.

Isa rin sa mga ibinida ang pagkakaroon ng Project MASK at Project SUBLI bilang suporta sa bagong lunsad na Project Sagip ng NTF-ELCAC Help Desk ng Isabela Police Provincial Office.

Facebook Comments