Natanggap na ng 30 mula sa 32 pamilya ng healthcare workers na namatay sa COVID-19 ang isang milyong pisong benepisyo mula sa pamahalaan.
Ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire, patuloy pa ring nakikipag-ugnayan ang ahensya sa natitirang dalawang pamilya kung saan nakatira ang mga ito sa United States at United Kingdom.
Sinabi ni Vergeire na nakumpleto na ang pamamahagi ng ₱100,000 sickness benefit sa 19 na healthcare workers na mayroong severe case ng COVID-19.
Bago ito, nasa 42 healthcare workers ang inisyal na tinukoy ng DOH bilang severe cases pero binawasan ito matapos malamang hindi lahat ng pasyente ay may malalang kondisyon.
Sa huling datos ng DOH, nasa 22,992 ang COVID-19 cases sa bansa, 4,736 ang gumaling at 1,017 ang namatay.