Pamilya ng 9-anyos na batang binugbog sa Iligan City, pinabulaanan ang balitang kumakalat sa social media na patay na ito

Nagpahayag ng pagkadismaya ang pamilya ng 9-anyos na biktima ng pambubugbog kaugnay ng kumakalat na balita sa social media na umano’y namatay na ang bata.

Sa panayam ng RMN DXIC Iligan kay Jesyl Ensipido, nakatatandang kapatid ng biktima na si Jonard, kinumpirma niyang buhay at nagkamalay na ang bata sa ospital.

Ayon sa kanya, hinihintay na lamang nila ang resulta ng CT scan bago ito ilipat sa ward para maipagpatuloy ang gamutan.

Nilinaw din ng pamilya na walang katotohanan ang isang video na umano’y nagpapakita ng aktwal na pambubugbog.

Paliwanag ni Ensipido, posibleng layunin ng mga gumawa at nagpakalat ng maling impormasyon ay para lang mag-viral at mag-trending sa social media kahit pa nakakasakit ito sa pamilyang dumaranas ng matinding pagsubok.

Nagbigay-babala rin ang pamilya sa publiko na huwag basta-bastang maniwala sa mga post na walang malinaw na pinagmulan at hindi kumpirmado ng mga lehitimong media outlet.

Facebook Comments