Nanawagan ng hustisya ang pamilya ni John Matthew Salilig, ang 3rd year engineering student sa Adamson University na namatay sa hazing.
Ayon sa ama ng biktima na si Jiggs Salilig, masakit para sa kanilang pamilya ang sinapit ng kanyang anak.
Mauunawaan pa raw sana nila ang nangyari kay John Matthew kung dinala agad ito sa ospital pero sa halip ay inilibing pa sa liblib na lugar upang itago ang nangyari.
“Ang anak ko po ay biktima ng hazing. Ang gusto ko lang po at ng pamilya ay mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng anak ko.,” ani Salilig sa panayam ng DZXL.
“Masakit po para sa isang magulang ang nangyari. Karumal-dumal po ang ginawa nila. Imbes na dalhin nila sa ospital yung bata, inilibig pa. Sana buhay pa ‘yong anak ko kung dinala sa ospital.”
“Ang masakit pa do’n, no’ng nahukay yung bangkay, nakilala no’ng kapatid, walang kahit man lang t-shirt. Sabi niya, ‘Pa, hindi ko talaga maano, kasi baboy, binaboy talaga nila yung kapatid ko.’”
“So, anong klaseng fraternity ito? Anong klaseng brad sila?” giit ng ama ng biktima.
Humingi na rin ng tulong ang pamilya Salilig sa Philippine National Police para sa agarang ikadarakip ng mga sangkot sa hazing.
Kasalukuyang nasa isang punerarya sa Cavite ang mga labi ni John Matthew at umaasa ang pamilya na maiuuwi ito sa Zamboanga bukas.