Hindi na interesado ang pamilya ng drug suspect na si Antonio Dalit na ipagpatuloy pa ang pagsasampa ng mga kasong administratibo o kriminal laban sa mga operatiba ng Laguna Police.
Si Dalit ay isa sa ten most wanted ng Laguna na napatay kasama ng 16-taong gulang na si Jhondi Helis sa operasyon ng mga pulis sa Biñan City nitong June 16.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Eleazar na batay sa binuong fact-finding investigation ng task group ng Police Regional Office 4-A, iniatras na ng pamilya ni Dalit partikular nang kapatid nito ang pagsasampa ng kaso laban sa mga pulis na unang itinuturong pumatay sa kaniyang kapatid.
Samantala sa pagkamatay naman ni Jhondi Helis, humihingi pa ng karagdagang panahon ang ina nito na si Christina para makapaghain ng complaint-affidavit sa task group at hiniling sa mga imbestigador na magbibigay na lang siya ng sinumpaang salaysay pagkatapos mailibing ng binatilyo sa July 1.
Para kay Eleazar, sang-ayon sya sa findings ng Regional Crime Laboratory Office ng PRO-4A sa autopsy na walang ibang nakitang marka sa katawan nila Dalit at Helis tulad ng pagkakaposas, maliban sa tama ng bala ng baril sa kanilang katawan.
Una na kasing inireklamo ng pamilya ng dalawang nasawing drug suspek na binaril ng mga pulis ang mga ito habang nakaposas.