Pamilya ng isa sa tatlong Pinoy na nasawi sa pagbaha sa UAE, nanawagan ng tulong sa pamahalaan

PHOTO: Christopher Pike

Nanawagan ngayon ng tulong ang pamilya ng isa sa tatlong (3) Pinoy na nasawi sa malawakang pagbaha sa United Arab Emirates (UAE).

Sa exclusive interview ng RMN Manila, nanawagan si Mary Ann Casipong, residente ng Dumanjug, Cebu at asawa ng nasawing Overseas Filipino Workers (OFWs) na si Dante Casipong sa pamahalaan para sa agarang pagpapauwi sa bansa ng labi ng kanyang mister.

Ayon kay Mary Ann, isang taon pa lang na nagtatrabao sa Dubai Airport ang kanyang asawang si Dante bilang aircon technician.


Huli aniya itong nakausap noong martes sa kasagsagan ng malakas na buhos ng ulan habang ito ay naka-duty.

Kinaumagahan ay nabalitaan na lamang nila ang sinapit ng mister makaraang ma-suffocate sa loob ng sasakyan sa kasagsagan ng pagbaha.

Nabatid na tatlong anak ang naulila ni dante na pawang mga nag-aaral lahat.

Bukod kay Dante, dalawang kababayan pa natin ang nasawi sa pagbaha sa UAE na pinakamatindi nangyari sa loob ng pitumpu’t limang (75) taon.

Facebook Comments