Pamilya ng mga kabataang nahuli sa gulo sa Maynila, nasa labas pa rin ng MPD

Nasa labas pa rin ng Manila Police District (MPD) ang mga magulang at kaanak ng mga kabataang nahuli sa nangyaring gulo sa Ayala Bridge, Mendiola, at C.M Recto Avenue sa lungsod ng Maynila kahapon, September 21.

Ang ilan sa kanila ay naghihintay na mula alas-9 kagabi hanggang kaninang madaling araw dahil silang walang kasiguraduhan kung nandoon ang kanilang mga anak.

Sa panayam sa mga kaanak, nagbigay ng listahan ang MPD ng mga kabataang nahuli na dinala sa kanilang estasyon ngunit ang iba sa kanila ay wala ang pangalan doon at ang iba naman ay nailipat sa ibang estasyon.

Sa panayam ng RMN Manila kay Oscar Sabillo, magulang nang isa sa kabataang nahuli sa gulo sa CM Recto, nalaman nya mula sa mga kaibigan ng kanyang anak na dinala ito sa MPD Headquarters matapos itong damputin sa lugar habang naghahanap ng piyesa ng biseklita.

Sa kanilang pagkokompirma sa loob base sa listahan na binigay ng MPD headquarters ay inilipat daw sa MPD Station 11 sa Binondo, Manila ngunit pagdating nya sa estasyon ay wala ang kanyang anak.

Dagdag pa ng mga magulang na nandito ay nadawit lamang at hindi magagawa ng kanilang mga anak ang nasabing kaguluhan kahapon.

Samantala, mula kagabi ay inaayos na ng MPD ang listahan ng mga nahuling kabataan at inaalam kung dawit ba ang mga ito sa kaguluhan kahapon.

Facebook Comments