Isinulong ni CIBAC Party-list Rep. Bro. Eddie Villanueva na maisama bilang benepisyaryo ng mga tulong pinansyal ng gobyerno ang mga pamilyang naulila ng mga miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG) na nasawi o nabaldado habang tumutupad sa kanilang tungkulin.
Nakapaloob ito sa inihain ni Villanueva na House Bill 10283 o panukalang mag-aamyenda sa Republic Act 6963 na nagtatakda ng pagkakaloob ng special financial assistance sa naiwang pamilya ng mga pulis, sundalo at bumbero na nasawi o nabaldado dahil habang gumaganap sa kanilang tungkulin.
Ang naturang tulong pinansyal ay katumbas ng anim na buwang sweldo, kasama ang mga allowance, bonus at iba pang benepisyo ng mga nasawing pulis, sundalo at bumbero.
Binigyang diin ni Villanueva, napakahalaga ng serbisyo ng PCG sa ating bansa na isang kapuluan kaya kawalan ng hustisya kung walang matatanggap na tulong mula sa pamahalaan ang kanilang maiiwang pamilya.
Naniniwala rin si Villanueva na ang kaniyang panukala ay magbibigay ng higit na inspirasyon at paghikayat sa ating mga Coast Guard na handang magsakripisyo ng kanilang buhay at kakayahan para mabigyan ng proteksyon ang ating bansa at mamamayan.