Cauayan City – Nakatanggap ng tulong pinansyal ang iniwang pamilya ng 11 indibidwal na nasawi sa banggaan ng bus at pick up truck sa Cagayan kamakailan.
Inabutan ng Department of Social Welfare and Development Field Office 2 ng tulong pinansyal ang mga biktima sa ilalim ng kanilang programang Assistance to Individuals in Crisis Situations.
P10,000 ang natanggap ng isang pamilyang nasangkot sa aksidente, kung saan tatlo sa miyembro ng mga ito ang mga maswerteng nakaligtas, habang ang bawat kaanak ng 11 indibidwal na nasawi ay nakatanggap naman ng P20,000 sa ilalim ng parehong programa.
Layunin ng programang ito na kahit papaano ay makapagbigay ng kaunting tulong pinansyal sa mga biktima na kanilang magagamit sa pagpapagamot, ganundin sa gastusin sa lamay at pagpapalibing sa mga nasawi.
Samantala, nakikipag-ugnayan rin ang DSWD FO2 sa lokal na pamahalaan ng Abulug upang masiguro na mabibigyan pa ng karagdagang tulong ang mga biktima ng nabanggit na aksidente.