Home Dagupan IFM 104.7 Dagupan PAMILYA NG MGA NASAWING BIKTIMA SA SALPUKAN NG SUV AT TRAYSIKEL SA SAN FABIAN, IBABALIK ANG PERANG PINANG-AREGLO NG SUSPEK

PAMILYA NG MGA NASAWING BIKTIMA SA SALPUKAN NG SUV AT TRAYSIKEL SA SAN FABIAN, IBABALIK ANG PERANG PINANG-AREGLO NG SUSPEK

0
PAMILYA NG MGA NASAWING BIKTIMA SA SALPUKAN NG SUV AT TRAYSIKEL SA SAN FABIAN, IBABALIK ANG PERANG PINANG-AREGLO NG SUSPEK

Desidido ang mga pamilya ng tatlong nasawing biktima sa salpukan ng SUV at traysikel noong Miyerkules Santo, Abril 1, na ibalik ang perang ibinigay ng pamilya ng suspek bilang danyos o areglo, kahit pa tinanggap nila ito sa gitna ng kalituhan matapos ang insidente.

 

Sa panayam sa panganay na anak ng biktimang si Rizalyn Robillos, nauna umano silang umuwi sakay ng ibang traysikel nang mabalitaan ang aksidenteng kinasangkutan ng sinasakyang traysikel ng kanyang ina.

 

Ayon sa kanya, bilang panganay, labis ang sakit ng pagkawala ng kanilang ina, lalo na’t kabilang sa mga nakaligtas ang kanyang nakababatang kapatid.

 

Samantala, ibabalik din umano ng pamilya ng 62-anyos na biktimang si Susana Petras ang halagang ₱110,000 na ibinayad ng pamilya ng suspek.

 

Anila, tinanggap lamang nila ito dahil sa pagkabigla at bilis ng pangyayari na kumitil sa buhay ng kanilang ina.

 

Ang nasabing aksidente ay kumitil sa buhay ng tatlong magkakapitbahay na pasahero ng traysikel na pauwi sana sa Brgy. Pogo, Mangaldan, nang mabangga sila ng isang SUV na minamaneho umano ng isang lasing na lalaki.

 

Naiulat din na agad nakauwi ang suspek matapos ang insidente dahil wala pang naisampang kaso laban dito.

 

Ipinaliwanag naman ng San Fabian Police Station na hindi nila maaaring panatilihin sa kustodiya ang suspek dahil walang naisampang kaso sa loob ng reglementary period o itinakdang oras upang ito ay maaresto at maipakulong.

 

Matapos ang holidays, nakatakdang iproseso ng mga pamilya ang pagsasampa ng kaso laban sa suspek upang makamit ang hustisya para sa kanilang mga mahal sa buhay.

 

Kung Sakaling makasuhan, maaaring maharap ang suspek sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Multiple Physical Injuries and Damage to Property, na may kaakibat na parusang maaaring umabot sa reclusion temporal o pagkakakulong mula labindalawa hanggang dalawampung taon, ayon sa Revised Penal Code. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments