Umapela si Marino Party-list Rep. Sandro Gonzalez sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na magpaabot ng pinansyal na tulong sa pamilya ng mga seafarers at Overseas Filipino Workers (OFWs) na nasira ang mga bahay dahil sa pananalasa ng Bagyong Odette.
Iminungkahi ng kongresista na maaaring tutukan ng ahensya ang pagtulong sa house repair habang ang ibang ahensya ng gobyerno ay tutugon naman sa batayang pangangailangan ng mga biktima.
Ito aniya ay maaaring maging simula sa muling pagbangon ng pamilya ng mga seafarers at OFWs na biktima ng kalamidad.
Kasabay nito ay nakiusap din ang mambabatas sa OWWA na huwag na sanang hingian ng maraming dokumento ang mga pamilyang dapat mabigyan ng financial assistance.
Sapat na aniya dapat na mapatunayan na sila ay asawa, anak o magulang ng isang seafarer o OFWs at ang kanilang bahay ay nawasak ng bagyo.