Pamilya ng mga sundalong sakay ng bumagsak na C-130, dapat tiyakin na mabibigyan ng tulong

Bukod sa pakikiramay at panawagang imbestigasyon ay iginiit din ng mga senador na agad ibigay ang tulong at iba pang kailangan ng mga sundalong nasugatan at pamilya ng mga nasawi sa pagbagsak ng C-130 plane sa Patikul, Sulu.

Diin ni Senator Risa Hontiveros, hindi dapat ma-delay ang tulong ng gobyerno at lahat ng benepisyo para sa mga sundalong nasugatan at pamilya ng mga nasawi.

Hiniling din ni Senator Grace Poe sa pamahalaan na ipagkaloob ang kailangang tulong ng mga pamilya ng mga sundalong biktima ng malagim na trahedya.


Inihayag naman ni Senator Christopher “Bong” Go na magbibigay sila ng hiwalay na tulong ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga biktimang sundalo maliban pa sa bigay na tulong ng gobyerno.

Nangako naman si Senator Manny Pacquiao na bilang tulong sa kanyang mga kapatid sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at mga sibilyang naging biktima aksidente ay magbibigay ng ₱50,000 sa bawat pamilya ng mga nasawi at ₱20,000 naman para sa mga sugatan.

Facebook Comments