Manila, Philippines – Dumulog na sa National Bureau of Investigation (NBI) ang pamilya ng 17-anyos na si Patricia ‘Ica’ Policarpio, na huling nakita noong Huwebes ng gabi sa tapat ng isang coffee shop sa Sucat, Muntinlupa City.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nakita sa CCTV na dakong 10:53 ng gabi noong Huwebes, nakita pa sa labas ng coffee shop si Ica, na lumabas saglit upang magpapalit ng 1 libong piso.
Nakausap pa umano ng biktima ang kaniyang ina upang magpasundo, ngunit pasado alas 11 ng gabi nang puntahan ito ng kaniyang mga magulang ay wala ito sa coffee shop, ngunit naiwan nito ang kaniyang bag, laptop at cellphone.
Huling nakita ang biktima na may suot na eye glasses, asul na sweater na may stripes sa manggas, itim na pantalon at light colored na beanie o tinahing sumbrero.
Sa ngayon, nakikipagugnayan na rin ang Southern Police District sa nga pulisya sa buong Metro Manila at mga karatig na lalawigan tulad ng Cavite at Laguna, kaugnay sa pagkawala ng dalagita.