Pamilya ng pinatay na broadcaster na si Percy Lapid, nanawagan ng hustisya!

Nanawagan ang pamilya ng beteranong mamamahayag na si Percival Mabasa o mas kilala bilang “Percy Lapid” na mabigyan ng hustiya ang pagpatay sa kanilang haligi ng tahanan.

Labis na nalulungkot at nagagalit ang pamilya nito sa brutal na pamamaslang sa radio commentator.

Sa opisyal na pahayag ng pamilya, mariing kinondena ang krimen at ito ay ginawa, hindi lamang laban kay Percival, sa kaniyang pamilya at sa kaniyang propesyon, kundi laban sa bansa at sa katotohanan.


Matatandaang, dakong alas-8:30 kagabi nang pagbabarilin si Percival ng riding-in-tandem, habang pauwi siya sa kaniyang tahanan sa Barangay Talon Dos, Las Piñas City.

Nabatid na bumuo na ng “special investigation task force” ang Philippine National Police (PNP) at National Capital Region Police Office (NCRPO) para tutukan ang kaso ng pagpatay sa nasabing mamamahayag.

Habang, una na rin sinabi ni NCRPO Chief Police Brig. Gen. Joneel Estomo na binigyan niya si Las Piñas City Police Chief Col. Jaime Santos at mga imbestigador ng 24 na oras para resolbahin ang kaso.

Facebook Comments