Pamilya ng rent-a-car driver na napatay sa shootout sa Albay, dumulog sa NaPolCom

Pormal nang dumulog sa National Police Commission (NaPolCom) ang pamilya ng 28-anyos na rent-a-car driver na napatay sa sinasabing buy-bust operation na nauwi sa shootout sa Barangay Busac, Oas, Albay.

Batay sa liham ni Mrs. Evelyn Bautista, ina ng biktimang si Jose Maria Arvin Samson Bautista na isinumite kay NaPolCom Central Office Director Boyet Evangelista, iginiit nito na nagkaroon ng rubout at torture ang insidente dahil bukod sa isang tama ng bala sa kaliwang dibdib ay nakitaan din ng mga pasa, gasgas mula ulo hanggang puwet, palo sa likod ng ulo, bakas ng pagkakaposas o tali sa magkabilang kamay ang biktima.

Aniya, malinaw na dinukot at pinahirapan muna ang biktima bago pinatay.


Nabatid na si Bautista ay umalis sa Valenzuela City noong July 19, 2021 at ang paalam sa kaniyang maybahay na si April ay may umarkila sa kaniya patungo sa Quezon province.

Kinabukasan, July 20 ay nakatanggap ng tawag sa cellphone si Ginang Evelyn mula sa nagpakilalang pulis ng Oas, Albay at sinabing kasama ang kaniyang anak sa napatay sa shootout.

Sa isang panayam sa hepe ng Oas Municipal Police Station na si Police Major Jerald John Villafuerte ay inamin nito na ang tanging target o subject ng kanilang operation ay si Ramon Mutuc alyas “OMAR” at hindi nila alam na may iba pa palang nakasakay sa kotse na kalaunan ay saka pa lamang nila kinilala na sina Bautista at isang Gregorio Garcia Jr. y Mañebo na kapwa nadamay.

Iginiit ng pamilya Bautista na inosente ang kanilang kaanak, katunayan ay nakakuha sila ng sertipikasyon mula sa iba’t ibang kaukulang opisina sa Valenzuela tulad ng barangay clearance, Metropolitan Trial Court, Regional Trial Court at sa VADAC o Valenzuela Drug Abuse Council na walang anumang record na nasangkot si Bautista sa alinmang krimen at wala rin ito sa drug watchlist.

Facebook Comments