Hindi kuntento ang pamilya ng nasawing 17-anyos na si Jemboy Baltazar sa naging desisyon ng Navotas Regional Trial Court.
Ayon kay Ginang Rodaliza, ina ni Jemboy, nakukulangan sila sa desisyon ni Navotas RTC Branch 286 Judge Pedro Dabu Jr., dahil isa lamang sa anim na pulis ang nahatulan sa krimen.
Giit pa ng pamilya, hindi sapat ang hustisya sa sinapit ni Jemboy lalo na’t basta na lamang kinitil ang kaniyang buhay dahil lang sa pagkakamali ng mga pulis.
Matatandaan na sa desisyon ni Judge Dabu Jr., nakasaad na walang elemento ng sabwatan sa krimen.
Napatunayan din na ang service firearm ni Police Staff Sergeant Gerry Maliban lang ang nakatama kay Baltazar batay na rin sa ballistic report at narekober na slug sa crime scene kaya’t siya ang nahatulan na guilty sa homicide.
Guilty naman sa illegal discharge of firearms ang hatol ng korte kina Police Executive M/Sgt. Roberto Balais Jr., Police Staff Sergeant Nikko Esquilon, Police Corporal Edward Jade Blanco, at Patrolman Benedict Mangada dahil sa pagpapaputok nila ng baril sa tubig.
Abswelto naman sa kaso si Police Staff Sgt. Antonio Bugayong dahil hindi umano napatunayang nagpaputok ito ng baril.