Pamilya ni Sanchez, hindi magbabayad ng danyos sa pamilya Sarmenta at Gomez

Image via Peryodiko Laguna | ABS-CBN News archive

Nanindigan ang pamilya ni dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez na hindi sila magbabayad ng danyos sa pamilya nina Eileen Sarmenta at Allan Gomez na walang-awang pinaslang noong Hunyo 1993.

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon at Justice Committee nitong Martes, tahasang sinabi ni Elvira Sanchez, asawa ng convicted murderer at rapist, na walang kinalaman sa pagkamatay ng dalawang estudyante ng University of the Philippines-Los Baños ang noo’y pinuno ng Calauan.

Giit ni Sen. Franklin Drilon, nararapat lamang na kumilos ang Department of Justice (DOJ) upang obligahin sina Sanchez at iba pang suspek na magbayad ng mahigit 12 milyong pisong danyos-perwisyo.


Ayon pa sa mambabatas, kasama ito sa parusang ipinataw ng hukuman na sinang-ayunan ng Korte Suprema taong 1999.

Depensa naman ni DOJ Secretary Menardo Guevarra, dapat isinangguni na ito noon pa sa isang private prosecutor dahil mayroon silang kapangyarihan habulin ang mga kawatang hindi pa nagbabayad ng danyos.

Dagdag ng kalihim, lumagpas na sa prescriptive period ang paghahabol sa danyos dahil lumabas ang hatol ng hukuman noon pang 1995.

Matatandaang sinabi nina Maria Clara Sarmenta at Illuminda Gomez, ina ng mga pinatay na mag-aaral, na wala pa silang nakukuha ni isang kusing mula sa kampo nina Sanchez.

Facebook Comments