Pamilya sa Taguig, pinalalayas umano ng mga pulis kasama si NCRPO chief Sinas

Screenshot from Facebook video/Arles Delos Santos

Inirereklamo ng harassment ng isang pamilya si National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Maj. Gen. Debold Sinas, at mga kasama nitong pulis makaraang sumugod sa kanilang bahay sa Taguig City.

Sa Facebook post ni Arles Delos Santos, sinabi nitong ikinagulat nilang magkakapatid ang pagdating ni Sinas at ng higit isang dosena pang armadong pulis, sa kanilang bahay sa Southern Police District compound (SPD) sa Fort Bonifacio, bandang alas-4 ng hapon.

Hinahanap umano ng opisyal ang ama ng pamilya at retiradong pulis na si Arnel Delos Santos na wala sa lugar nang mga oras na iyon.


Sa kuha ng CCTV na kasama sa post, makikitang binaklas ng mga pulis ang gate ng bahay, saka lumabas ang magkakapatid para makipag-usap.

Sa puntong ito, ipinakita ng magkakapatid ang mga dokumento na magpapatunay na legal ang pananatili ng kanilang pamilya roon.

Napansin din ni Delos Santos na kumukuha ng mga litrato ang ilang pulis kaya naglabas din siya ng cellphone para ma-rekord ang nangyayari.

Ngunit ilang saglit lang nang isang pulis ang lumapit para hablutin ang cellphone, na makikita rin sa isang video na iniupload sa post.

Matapos mag-viral ang insidente, dumepensa si Sinas na ang tinitirhan ng pamilya Delos Santos ay pagmamay-ari umano ng SPD.

Dagdag ng hepe na bahagi ito ng NCRPO-Regional Direct Support Unit (RDSU) compound na kasakuluyang isinasaayos nila upang gawing quarantine facility ng mga pulis na maaaring tinamaan ng COVID-19.

Iginiit rin ni Sinas na tumanggi umanong makipag-usap ang retirong pulis tungkol sa patuloy na paninirahan ng pamilya sa lugar.

Desidido naman daw sina Delos Santos na sampahan ang mga opisyal ng trespassing, harassment, threats at grave misconduct.

Facebook Comments