Pamilya Sanchez, walang planong magbayad ng danyos sa pamilya ng mga biktima sina Eileen Sarmenta at Alan Gomez

Walang balak ang pamilya Sanchez na bayaran ang mahigit 12.6-milyong piso na danyos na itinakda ng Korte para sa pamilya nina Allan Gomez at Eileen Sarmenta na biktima ni dating Calauan Mayor Antonio Sanchez.

 

Ito ang inihayag ng misis ni Sanchez na si ginang Elvira sa pagdinig ng Senado.

 

Ayon kay ginang Elvira, ito ay dahil naninindigan sila na inosente si dating Mayor Sanchez sa pagkamatay nina Gomez at Sarmenta na ginahasa din.


 

Dahil dito ay iginiit ni Senate Minority Leader Franklin Drilon sa Department of Justice na maghain ng Writ of Execution para mapwersa ang pamilya Sanchez na bayaran ang nasabing halaga.

 

Tiniyak naman ni Justice Secretary Menardo Guevarra na kikilos ang DOJ kahit lumipas na ang sampung taon na prescriptive period para maipatupad ang nabanggit na atas ng korte.

 

Diin ni Drilon, dapat gawin ng DOJ ang lahat ng legal na hakbang para sa mga biktima at bahala na ang korte na magpasya.

Facebook Comments