Hinihimok ngayon ng Makabayan bloc ang mga pamilya nila Keith at Nolven Absalon na magsampa pa rin ng reklamo sa Joint Monitoring Committee (JMC).
Kasabay nito ay ang pagkondena ng Makabayan sa ginawa ng unit ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa Masbate at ang pagpapaabot ng pakikidalamhati sa pamilyang Absalon.
Sina Keith at Nolven ay nasawi nitong Linggo matapos sumabog ang isang improvised explosive device na kanilang nadaanan sa Masbate City.
Ang JMC ang tumatanggap ng mga reklamo kaugnay sa hindi pagsunod ng CPP-NPA at ng gobyerno sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL).
Ayon sa Makabayan, ang pagsasampa ng reklamo sa JMC ay magsisilbing paalala sa parehong signatories ng batas na palaging sumunod sa itinatakda ng laws of war kung saan ang non-combatants, civilians at civilian populations ay dapat na maprotektahan sa lahat ng pagkakataon.
Umaasa ang Makabayan sa patas na imbestigasyon sa insidente at ang agad na pagtugon ng CPP-NPA sa anumang kaso na isasampa laban sa kanila.