Pamilyang ‘naghihintay ng katapusan ng mundo’, 9 taon nanirahan sa tagong lugar

Aerial shot ng bukid sa Ruinerworld, northern Netherlands. Photo: WILBERT BIJZITTER/ANP/AFP via Getty Images

Nadiskubre ng pulisya sa Netherlands ang isang pamilya na siyam na taon nang nakatira sa liblib na bukid habang naghihintay umano ng katapusan ng mundo, ayon sa mga ulat.

Natagpuan ang 58-anyos na lalaki at anim na kabataang may edad 18 hanggang 25 sa maliit na kuwarto sa silong ng isang bahay sa bukid sa probinsya ng Drenthre.

Napag-alaman ang tungkol sa pamilya nang sumulpot sa bar sa Ruinerworld, kalapit na bayan ng bukid, ang panganay na bumili ng alak at humingi ng tulong sa mga tauhan.


Pinuntahan ng awtoridad ang bahay at inaresto ang tinuturong tatay ng pamilya na si Josef B mula sa Austria dahil ayaw umanong makipagtulungan sa imbestigasyon.

Hindi malinaw kung boluntaryo bang nanirahan doon ang mga bata o kung magkakadugo ang pito.

Ibinunyag ni Mayor Roger de Groot na hindi rehistrado sa lugar ang ibang miyembro ng nadiskubreng pamilya at hindi rin umano nakasaad na ang 58-anyos na lalaki ang ama.

Ikinuwento naman ng may-ari ng bar na si Chris Westerbeek ang engkwentro sa panganay ng pamilya na inilarawan niyang may mahabang buhok, maruming balbas, mga lumang damit ang suot, at mukhang nalilito.

Matapos daw uminom ng limang alak, sinabi ng 25-anyos na hindi pa siya nakapasok sa paaralan kahit kailan, at siyam na taon nang hindi nakapupunta sa barbero.

Nabanggit din umano nito na may mga kapatid siyang nakatira sa bukid at gusto na niyang itigil ang gawi ng kanilang pamumuhay.

Noong halughugin ng pulisya ang bahay, nakita ang nakatagong hagdan sa likod ng aparador papunta sa sikretong kuwarto sa ibaba kung saan namahay ang pamilya.

Nasa labas ng Ruinerworld na may 3,000 populasyon ang bukid na mapupuntahan sa pamamagitan ng tulay.

Natatakpan ng hilera ng mga puno ang bukid na may malawak na taniman ng gulay at isang kambing.

Isang residente ang nagsabing isang lalaki lamang ang nakikita niya palagi sa bukid kaya laking gulat niya nang marinig ang balita.

Pinaniniwalaang hindi pa kailanman nakalalabas ang mga nakababata sa pamilya at walang ideya na may ibang tao sa mundo, ayon sa mga ulat.

Facebook Comments