Pamilyang nasunugan sa lungsod ng Maynila at Mandaluyong, nakatanggap ng tulong pinansyal mula sa NHA

 

Nakatanggap ng tulong pinansyal mula sa National Housing Authority (NHA) ang nasa 380 pamilyang nasunugan sa Maynila at Mandaluyong City.

Kung saan umabot sa P6.69 milyon ang kabuuang halaga na ipinamahagi sa ilalim ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) nito.

Ayon sa NHA, ang bigay na tulong ay magagamit ng mga benepisyaryo sa pagpapa-repair ng kanilang mga nasirang bahay.


Ipinatutupad ng ahensya ang EHAP, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na tulungan ang mga pamilyang nawalan ng tahanan dulot ng mga kalamidad gaya ng sunog, lindol, pagguho ng lupa at baha o anumang bagyo.

Samantala, kabilang sa mga benepisyaryo ng nasabing programa ay mula sa Barangay Addition Hills, sa Mandaluyong City, Barangay 650, Port Area; Barangay 739, Zone 80, Malate; Barangay 732, Zone 80, Malate; Globo de Oro, Barangay 384, Quiapo; at Baseco Compound na pawang nasa Maynila.

Bukod pa rito, nakatakda pang mamahagi ng tulong pinansyal ang ahensya sa mga kwalipikadong benepisyaryo sa buong 2024.

Facebook Comments