Labis na ikinalungkot ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang muling paghain ng panukalang diborsyo sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Nanindigan si Father Jerome Secillano, Executive Secretary ng CBCP Public Affairs Committee na lalong makasisira sa pundasyon ng pamilya ang diborsyo.
Ito ang tugon ni Secillano sa paghain ni Albay Representative Edcel Lagman ng House Bill No. 78 o “Absolute Divorce Act” sa paniniwalang ang diborsyo ay karapatan ng kababaihan.
Sabi ni Father Secillano na nakalulungkot na ilang mambabatas ang nakapokus sa pagsira ng sagradong kasal sa halip na ayusin o palakasin ang pagsasama ng mag-asawa.
Iginiit pa ng pari na dapat pagtuunan ng mga mambabatas ang mga programang makatutugon sa tunay na suliranin ng bansa tulad ng kahirapan dahil sa pandemya at iba’t ibang suliraning labis na nakakaapekto sa ekonomiya.
Binigyan diin ni Fr. Secillano na hindi makatarungang unahin ng mga opisyal na halal ng bayan ang mga batas na sumisira sa pamilya sa halip na pagbuklurin at tulungang makabangon sa kahirapang naranasan.
Magugunitang sa 17th Congress isinulong din ang Absolute Divorce ngunit nabinbin sa Senado kung saan muli itong isinulong ni Lagman sa 18th Congress subalit nanatili lamang sa Committee on Appropriations.