Humarap sa pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights ang pamilya ng pinatay sa hazing na si Adamson University student John Matthew Salilig.
Sa pagdinig ng komite ay dumalo si Jeffrey Salilig, ang ama ni John Matthew at si John Martin, ang kapatid ng biktima.
Sinabi ni Ginoong Salilig na napakasakit sa kanya bilang ama nang malaman niyang pumanaw na ang kanyang anak sa ganoon lamang na paraan.
Kalagitnaan din aniya ng burol ng kanyang yumaong ama noong gabi ng February 27 nang ibalita ng anak na si John Martin na patay na ang kanilang kapatid pero hindi pa natatagpuan ang bangkay.
February 25 o 26 nang makatanggap ng mensahe si John Martin mula sa isang dummy account para sabihin na namatay na ang kanyang kapatid sa hazing at dinala ito sa Cavite at February 28 ay natagpuan ang bangkay ng kapatid na kaniya mismong na-identify.
Sinabi naman ni Committee Chair Senator Francis Tolentino na batid at nararamdaman ng komite ang kalungkutan ng pamilya.
Tiniyak ni Tolentino na hindi tumitigil ang mga pulis sa pagtugis sa 11 suspek sa pagpatay kay John Matthew na nagtatago pa rin hanggang ngayon at patuloy rin ang Department of Justice (DOJ) sa mga dapat na gawin para tuluyang masampahan ng kaso ang mga ito.
Sinabi naman ni DOJ Deputy State Prosecutor Atty. Olivia Torrevillas na unang linggo ng buwan ng Abril ay magsasagawa ng preliminary investigation ang ahensya para sa 11 ‘at large’ sa krimen.