Pamimigay ng 1,200 na sako ng smuggled na bigas sa General Trias sa Cavite, pinangunahan ni PBBM

Nanguna si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa pamimigay ng 1,200 na sako ng smuggled ng bigas sa mga miyembro ng Pantawid Pamilya Pilipino Program o 4Ps sa General Trias sa Cavite.

Sa ginawang talumpati ng pangulo sa aktibidad, sinabi nitong nakatutok ang pamahalaan sa paghabol sa mga hoarder at smuggler ng bigas.

Natuklasan kasi niya ng ang mga ito ang dahilan kaya tumaas ang presyo ng bigas sa mga palengke kaya napilitan siyang magpatupad ng price cap.


Sinabi pa ng pangulo na ang pinamigay na 1,200 na sako ng bigas sa mga taga General Trias, Cavite na miyembro ng 4Ps ay mula sa 41,000 na smuggled rice na nakumpiska ng Bureau of Customs sa Zamboanga City kamakailan.

Pagkatapos aniya na mapatunayang iligal ang importasyon nito ay nagdesisyon ang pamahalaan na ipamigay na lamang ito para mapakinabangan ng mga mahihirap na Pilipino.

Tiniyak ng pangulo na hindi titigil ang gobyerno na habulin ang mga hoarder at smuggler ng bigas hanggang sa mabalik na sa normal ang presyo ng bigas.

Facebook Comments