Pormal nang sinimulan ng mga lokal na pamahalaan ang pamamahagi ng ayuda sa mga residenteng apektado ng dalawang linggong Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa NCR Plus.
Alas 10:00 kaninang umaga nang isagawa ang isang maikling seremonya sa Parañaque City para sa unang araw ng pamimigay ng ayuda.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Spokesperson Jonathan Malaya, natanggap na ng lahat ng LGU sa Metro Manila ang bahagi ng P22.9 billion financial assistance mula sa national government.
Karamihan aniya sa mga LGU ay piniling ipamahagi ang ayuda bilang cash.
Kada benepisyaryo ay makakatanggap ng P1,000 cash aid o maximum na P4,000 kada pamilya.
Target ng pamahalaan na maabutan ng ayuda ang 22.9 milyong Pilipino.
Kaugnay nito, tiniyak naman ni Malaya na hindi maaabuso o mahahaluan ng korapsyon ang pamimigay ng ayuda.
Bukod sa mga komiteng nagbabantay sa distribusyon ng cash aid, inatasan din ng DILG ang mga LGU na i-post sa kani-kanilang social media page ang pangalan ng mga benepisyaryo para matiyak na tanging mga kwalipikado lamang ang makakatanggap nito.
“Meron tayong sistema na Grievance and Appeal Committee, nasa level ng local government unit. Meron pa tayong isa, yung Joint Monitoring ng DILG, DSWD, Philippine National Police at ng DOJ sa lahat ng LGU na sakop ng NCR Plus, so, maraming pwedeng pag-reklamuhan,” saad ni Malaya sa panayam ng RMN Manila.
“Most importantly, meron tayong posting ng listahan ng benepisyaryo. Ang sabi namin sa mga LGU, hindi kayo pwedeng mag-distribute ng pondo kung hindi kayo magpo-post,” dagdag niya.