Pamimigay ng libreng sanitary products, isinulong sa Kamara

Isinulong ngayon sa Kamara ang pamamahagi ng libreng menstrual products tulad ng sanitary napkins, tampons, reusable pads, at menstrual cups.

Nakapaloob ito sa House Bill 5179 o Free Period Product Bill na inihain nina Akbayan Party-list Reps Dadah Kiram Ismula, Chel Diokno at Percival Cendaña at Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao.

Layunin ng panukala na matugunan ang “period poverty” sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng menstrual hygiene products sa lahat ng pampublikong paaralan, educational institutions, at barangay health centers.

Inaatasan ng panukala ang Department of Health (DOH), sa pakikipagtulungan ng Department of Education (DepEd), State Universities and Colleges (SUCs) at mga lokal na pamahalaan na bumili ng mga produkto para maibsan ang gastusin ng mga kababaihan lalo na ng mga mahihirap sa kanilang buwanang dalaw.

Hinihikayat naman ng panukala ang paggamit ng environment-friendly menstrual products tulad ng reusable pads at menstrual cups, kasabay ng information campaigns sa wastong paggamit at pagtatapon ng mga ito.

Facebook Comments