Umapela si ACT-CIS Partylist Rep. Niña Taduran sa Commission on Elections (COMELEC) na ipagbawal na ang pamimigay ng ayuda, groceries, pera at iba pa ng mga politikong tatakbo sa halalan.
Pabor si Taduran sa suhestyon na amyendahan ang Omnibus Election Code kung saan kapag nakapaghain na ng Certificate of Candidacy (COC) ang isang kandidato ay dapat ipagbawal na ang pamamahagi ng tulong o ayuda sa mga botante.
Bagama’t ang pamimigay ng ayuda ay hindi pa maituturing ngayon na pagbili ng boto dahil hindi pa election campaign season, kung ang kongresista ang tatanungin ito ay maituturing na “indirectly vote buying”.
Para pa sa mambabatas, anuman ang ibibigay na may “value” o halaga ay isang pagbili ng boto.
Mas mainam aniya na idaan sa debate ng mga kandidato ang kanilang qualifications upang makapamili ang mga botante ng nararapat para sa isang posisyon.