Pamimigay ng Social Amelioration Program, Iaabot Mismo sa Bahay!

Cauayan City, Isabela- Ibibigay na sa mismong bahay ng benepisyaryo ang matatanggap na financial assistance sa ilalim ng Social Amelioration Program ng pamahalaan bunsod ng umiiral na Enhanced Community Quarantine.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Mr. Chester Trinidad, tagapagsalita ng DSWD Region 02, cash na ibibigay sa mga kwalipikadong household ang financial assistance na halagang Php5,000 hanggang Php8,000.

Hindi na aniya kailangang magtipon-tipon ang mga benepisyaryo dahil ibibigay ang tulong gaya ng pamimigay ng SAC forms sa bawat household.


Inaasahan aniya na anumang araw ay maibibigay na sa mga households ang Social Amelioration Card form dahil naibaba na ang mga ito sa LGU’s.

Dagdag pa ni Mr. Trinidad, hindi na aabutan ng SAC Form ang mga miyembro ng Pantawid Pamilyang pilipino Program o 4P’s dahil mayroon na aniya silang listahan sa mga kasapi nito at direkta nang ibibigay ang tulong sa kanilang Cash Card.

Ang mga 4P’s members ay hindi na rin aniya mabibigyan ng family foodpacks mula sa DSWD habang ang mga non-beneficiaries na qualified sa Social Amelioaration at nakatanggap ng tulong mula sa ibang ahensya ay hindi na ibabawas sa matatanggap na financial assisitance.

Hinihiling ng DSWD Region 2 sa mga katuwang na opisyal na tukuyin ang pamilya na hindi miyembro ng 4P’s at pasok sa ‘poorest of the poor’ families upang mas mabilis na maibigay ang tulong.

Katuwang din ng tanggapan sa pagbibigay ng assistance ang mga sundalo at pulis upang matiyak ang kanilang seguridad at maayos na maipamigay ang tulong.

Samantala, nilinaw ni Mr Trinidad na wala pang eksaktong bilang ng household sa region 02 na mabibigyan ng tulong dahil malalaman lamang aniya ito kung naisumite at na-assest na sa kanilang tanggapan ang mga SAC forms ng bawat munisipyo at Lungsod.

Facebook Comments