Pamimigay ni VP Duterte ng envelope na may lamang pera, kinumpirma ng isa pang opisyal ng DepEd

Isa pang opisyal ng Department of Education (DepEd) ang nagkumpirma sa pamimigay ni Vice President Sara Duterte ng envelope na may pera noong sya ay kalihim ng ahensya.

Sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability ay sinabi ni DepEd Director at dating Bids and Awards Committee (BAC) Chairman Resty Osias na apat na envelope ang kanyang natanggap nito noong 2023 at ang laman ay P12,000 hanggang P15,000.

Kwento ni Osias, ang nabanggit na mga sobre ay ibinigay sa kanya ni dating DepEd Assistant Secretary Sunshine Fajarda mula Abril 2023 hanggang Setyembre 2023.


Magugunitang sa unang pagdinig ng komite ay sinabi ni DepEd Usec. Gloria Mercado na noong siya ang head of procurement entity ay nakatanggap siya mula kay VP Duterte ng siyam na envelope na may tig-50,000 na laman.

Hindi naman inaalis ni Manila Representative Rolando Valeriano na mula sa confidential fund ang laman ng nasabing mga envelope dahil huminto ito noong Setyembre 2023 na tiyempong huminto rin VP Duterte sa paggamit ng kanyang confidential funds.

Facebook Comments