Wala pa ring pagbabago sa kapasidad at operasyon ng pampublikong transportasyon sa NCR plus bubble kahit ibinaba ang quarantine restrictions sa modified enhanced community quarantine (MECQ).
Sa abiso ng Department of Transportation (DOTr), mananatili ang mga umiiral na public transport protocols.
Kung ano ang umiiral na patakaran noong two-week ECQ ay ganito pa rin ang ipapatupad sa MECQ.
Pero sinabi ng DOTr, na nasa 60 karagdagang ruta ng public utility jeepneys ang bubuksan muli sa NCR simula bukas, April 13 at 190 na ruta ng provincial buses simula April 15.
May alok din ang DOTr na libreng sakay sa health workers at medical frontliners, maging sa mga authorized persons outside residence (APOR).
Muling iginiit ng DOTr, na walang taas-pasaheng mangyayari.