Aprubado na sa Joint Committee Hearing ng House Committees on Economic Affairs at Trade and Industry ang panukala para amyendahan ang RA 7042 o ang “Foreign Investment Act (FIA) of 1991”.
Sa ilalim ng House Bill 300, niluluwagan nito ang restrictions sa pamumuhunan ng mga dayuhan sa Pilipinas.
Sa oras na maging ganap na batas ay ibababa sa 15 mula sa 50 ang minimum employment requirement ng direct local hires sa mga small at medium domestic enterprises na itinatag ng mga foreign investors.
Maaari na ring makapagbukas ng negosyo at mamuhunan ang mga dayuhan sa halagang $100,000.
Tinitiyak naman sa panukala na hindi maaapektuhan ang mga local industry dahil maglalatag ng mga kategorya na kung saan may mga industriya na hindi naman papayagan na dayuhan ang magtrabaho at manungkulan.
Ayon kay Trade and Industry Committee Chairman Wes Gatchalian, i-u-update at i-re-review din taun-taon ang Foreign Investment Negative List (FINL) para mas makahikayat ng mga foreign investors para mamuhunan sa iba’t ibang industriya sa bansa.
Makakatulong ang pagalis ng limitasyon sa mga dayuhang mamumuhunan para sa mas maraming oportunidad, dagdag na trabaho, pagdagsa ng investment at pagdami ng competition ng mga industrya na tiyak na magbebenepisyo ang publiko.