Pamumuhunan sa nuclear energy, pag-aaralan din ng Maharlika Investment Corporation

Pag-aaralan ng Maharlika Investment Corporation (MIC) ang posibilidad na maglagak ng investment sa nuclear energy para mapababa ang presyo ng kuryente.

Ayon kay MIC President and CEO Rafael Jose Consing, bukas silang mamuhunan sa nuclear power plant pero sa ngayon mananatili muna sila kung saan pinapayagan sila ng batas.

Paliwanag ni Consing, dapat munang suriin kung ang potensyal na pamumuhunan sa nuclear power ay sasaklawin ng “cross-ownership” na mga paghihigpit sa pagitan ng mga generation at transmission, tulad ng nakasaan sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA).


Sa ilalim kasi ng EPIRA, ipinagbabawal lamang ang cross-ownership sa pagitan ng isang transmission company at anumang kumpanya sa generation at distribution sector.

Samantala, sinabi naman ni Energy Secretary Raphael Lotilla na mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay binigyang diin ang halaga ng nuclear power bilang reliable at abot kayang alternatibong mapagkukuhanan ng enerhiya sa bansa.

Makikipagtulungan din aniya sila sa pribadong sektor para sa development ng nuclear power.

Umaasa naman si Lotilla na ang panukalang batas na tungkol sa safe nuclear energy use ay maipapasa na bago matapos ang 19th Congress.

Facebook Comments