Pink eye o pamumula ng mga mata gaya ng sore eyes ang isa sa posibleng sintomas ng Omicron Subvariant XBB.1.16 o Arcturus.
Ayon sa infectious diseases expert na si Dr. Rontgene Solante, ang mga indibidwal na mayroong “Arcturus pink eye” ay nakararanas din ng iba pang sintomas ng COVID-19 gaya ng sore throat, runny nose, ubo at lagnat.
Inabisuhan naman ni Solante ang publiko na manatiling mag-ingat sa COVID-19 gayundin sa sore eyes na isa rin sa usong sakit tuwing tag-init.
Una nang sinabi ng OCTA Research Group na posibleng ang XBB.1.16 ang dahilan ng tumataas na namang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ayon kay Dr. Guido David, maaaring nakapasok na rin ito sa NCr kung saan isa niyang kaibigan ang nagpositibo kamakailan sa COVID-19 at nakaranas din ng pangangati ng mata.