Pamumuno nang anim na taon bilang kalihim ng DND, malaking tulong kay BCDA Chairperson Delfin Lorenzana; mga proyekto ng BCDA, mas palalakasin!

Inihayag ni Bases and Conversion Development Authority (BCDA) Chairperson Delfin Lorenzana na malaking tulong sa kaniya ang anim na taong pamumuno bilang kalihim ng Department of National Defense (DND).

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Lorenzana mas pag-iigihan niya ang kaniyang trabaho lalo na kailangang pag-aralan ang mga business project at kung paano kikita ang BCDA sa ilalim ng administrasyong Marcos.

Malaking responsibilidad aniya ang paghawak ng mga negosyo at kung paano ito papaunlarin para mas kumita ang pamahalaan.


Ayon pa kay Lorenzana, hindi naman siya nagkaroon ng malaking adjustment dahil sanay siya sa ganitong trabaho, pero may pagkakaiba pa rin ang kaniyang naging trabaho sa DND kumpara ngayon sa BCDA.

Dagdag pa ni Lorenzana, ipagpapatuloy at papaunlarin pa niya ang mga proyekto ng BCDA sa pamamagitan ng pag-engganyo ng mas maraming dayuhang mamumuhunan na pumasok sa bansa kung saan isang malaking hamon ito sa gitna ng tumataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin dahil sa pagtaas na rin ng produktong petrolyo.

Ang BCDA ay isang korporasyong pag-aari at kontrolado ng gobyerno na nilikha sa bisa ng Republic Act No. 7227 na nilagdaan bilang batas ni dating Pangulong Corazon Aquino noong 1992.

Facebook Comments