Binigyan diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang pangangailangang magkaroon ng mamumuno mula sa business sector upang makabuo ng standards para sa responsableng pagnenegosyo sa bansa.
Ang mensaheng ito ay ginawa ng pangulo sa kanyang talumpati sa pagdalo sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Business Advisory Council Meeting sa lalawigan ng Cebu kaninang umaga.
Ayon sa pangulo, hindi lang kooperasyon mula sa sektor ng pagnenegosyo ang kailangan ng gobyerno sa halip dapat ay may mamuno mula sa mga ito para makapag-set ng standards sa responsable pagnenegosyo na makakahikayat sa sustainable practices.
Punto ng pangulo kailangan magtulungan ang gobyerno at business sector para matukoy ang praktikal na solusyon para maresolba ang problema sa enerhiya, banta sa epekto ng climate change, polusyon at biodiversity loss.
Sa Pilipinas, ayon sa pangulo, natukoy na ang paggamit ng renewable energy ay pangunahing climate agenda na kailangan ang suporta ng business sector.
Kaya para sa pangulo dapat ay standardized ang pagkuha ng data collection o pagtukoy ng mga problema dahil kapalit nito ay mas mapapalakas ang technical cooperation ng APEC.