Pamunuaan ng UP, handang magpasaklolo sa Kongreso matapos ang terminasyon ng UP-DND accord; Academic freedom ng unibersidad, patuloy na isusulong!

Hind aatras ang University of the Philippines sa pagsusulong ng academic freedom.

Kasunod na rin ito ng hakbang ng Department of National Defense na unilateral abrogation sa 1989 UP-DND agreement.

Sa interview ng RMN Manila kay UP Los Baños Vice Chancellor for Community Affairs Prof. Roberto Cereno, handa ang unibersidad na makipagdayalogo sa DND upang malaman ang tunay na pinag-ugatan sa pagbabasura sa kasunduan.


Hindi kumbinsido si Cereno sa rason ng DND na nagagamit ang pamantasan sa recruitment ng mga rebelde lalo na’t walang matibay na ebidensyang ipinapakita ang DND.

Handa rin aniya ang UP na magpasaklolo sa Kongreso upang maprotektahan ang mga estudyante, guro at faculty.

Samantala, kinondena naman ng UP-LB Student Council ang pahayag ng DND na breeding ground ng mga rebelde ang unibersidad.

Sa interview ng RMN Manila kay UP-LB Student Council Chairman Jainno Bongon, binigyan diin nito na ang tunay na dahilan kung bakit dumarami ang mga nagrerebelde sa gobyerno ay dahil sa kabiguang labanan ang korapsyon at tugunan ang pangangailangan ng lipunan.

Sinabi ni Bongon na handa silang ipaglaban ang karapatan sa academic freedom ng unibersidad kahit pa maulit ang kasaysayan kung binarikadahan ang buong pamantasan noon para hindi mapasok ng pwersa ng militar.

Bukod sa UP, ilang unibersidad din sa bansa ang nagsasagawa ngayon ng rally bilang pagprotesta sa pagbasura sa UP-DND accord.

Facebook Comments