Cauayan City, Isabela- Mariing kinokondena ng pamunuan ng 5th Infantry ‘Star’ Division sa pamumuno ng kanilang bagong Commanding General na si BGen. Laurence E. Mina ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagkakasangkot at pagkakahuli ng isang sundalo dahil sa illegal na droga.
Sa inilabas na pahayag ng 5th ID, ikinalulungkot ng kanilang pamunuan ang pagkakaaresto ni SSg Joseph Donato na aktibong miyembro ng 503rd Infantry Brigade na isa sa mga yunit ng Star Division.
Mariing sinabi na ang pamunuan ng 5th Infantry Division, Philippine Army ay hindi sumasang-ayon sa anumang katiwalian na gawa ng sinumang nasa hanay o miyembro nito.
Handa rin umano na makipagtulungan ang 5ID sa anumang gagawing imbestigasyon kaugnay sa naturang pangyayari.
Si SSg Joseph C Donato ay agad na haharap sa kaukulang Administrative Case at kung mapatunayan na siya ay nagkasala ay mabibigyan o mapapatawan ng kaukulang kaparusahan na nakabase sa resulta ng inbestigasyon, maliban sa Civil Case na kanyang kinakaharap sa ngayon.
Dagdag dito, sakaling mapatunayan na nagkasala si SSg Donato ay maaari itong matanggal sa serbisyo, pagkatanggal na rin ng kanyang mga makukuhang benepisyo at maaari pang makulong.
Nakasaad din sa pahayag na makikipag tulungan mismo ang pamunuan ng 5ID upang matuntun at mahuli ang iba pang sangkot sa droga na posibleng kasama nito dahil kasama rin umano sa kanilang mandato na suportahan ang Law Enforcement Operations ng mga kapulisan at PDEA upang masugpo ang problema sa illegal na droga.
Magugunitang natimbog si SSg Donato kahapon, July 15, 2020 sa inilatag na drug buybust operation ng PNP Reina Mercedes partikular sa sementeryo sa brgy. Tallungan ng naturang bayan.