Nakatakdang makipag-ugnayan ngayong araw ang tropa ng 86th Infantry Battalion, 5th ID, PA sa mga residente ng Brgy Guam, San Guillermo, Isabela kasunod sa nangyaring bakbakan sa pagitan ng militar at mga kasapi ng New people’s Army (NPA) kahapon ng umaga, Pebrero 12, 2019.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay Lt. Col. Remegio Dulatre, Commanding Officer ng 86th IB, layunin ng kanilang isasagawang Symposium na makipag-ugnayan sa mga mamamayan upang mabigyan ng impormasyon at maipaliwanag sa mga ito ang tunay na gawain ng mga NPA.
Nais anya na maipaalam sa mga residente ang mga masasamang naidudulot at layunin ng mga NPA na kumikilos sa kanilang barangay na nanghihikayat lamang ang mga ito upang magkaroon ng mga panibagong miyembro.
Tiniyak naman ni Lt. Col. Dulatre ang seguridad para sa gagawing ugnayan sa naturang lugar.
Magugunita na naganap ang magkasunod na engkwentro kahapon ng umaga sa pagitan ng 86th IB at NPA sa naturang barangay dahil na rin sa ipinaabot ng mga residente hinggil sa presensya at isinasagawang iligal na aktbidades ng mga rebelde.
Kinumpirma pa ni Lt. Col Dulatre na walang naitalang namatay o nasugatan sa panig ng militar habang hindi mabatid sa panig ng NPA dahil na rin sa mga nakitang bakas ng dugo sa pinangyarihan ng bakbakan.
Nagresulta rin ito sa kanilang pagkakakubkob sa outpost ng mga nakalabang NPA.
Samantala, nagpapasalamat naman si Lt. Col Dulatre sa mga mamamayan dahil sa kanilang kooperasyon sa militar upang matugunan ang kanilang mga hinaing kaugnay sa mga masasamang gawain ng kalaban ng gobyerno.