Inamin ni ABS-CBN Chief Operating Officer Cory Vidanes na malapit na ang posibleng retrenchment sa mga empleyado ng giant network.
Sa virtual hearing ng House Committees on Legislative Franchises at Good Government and Public Accountability, maiyak-iyak na sinabi ni Vidanes na dahil sa hindi pagbibigay ng panibagong prangkisa sa ABS-CBN ay malapit nang magbawas ng mga empleyado ang broadcasting company.
Ipinaabot ni Vidanes na ito ang pinangangambahan ng marami nilang empleyado dahil mahirap makahanap ng pagkakitaan ngayon sa panahon ng pandemya.
Samantala, nanawagan naman ang iba’t ibang grupo tulad ni Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa Mr. Benjamin Miguel Alvero, OPM President Ogie Alcasid at Professional Artist Managers Inc. (PAMI) President June Rufino sa mga kongresista na bigyan na ng prangkisa ang ABS-CBN dahil sa mga empleyadong umaasa sa pagpapatuloy ng kanilang trabaho.
Nanawagan din sa Mababang Kapulungan si Parañaque City Representative Joy Tambunting na minsang nagtrabaho bilang producer ng network, na ikunsidera rin sana ng mga kongresista ang mga empleyadong apektado sa isyu ng prangkisa at nakadepende sa kung ano ang magiging desisyon ng mga mambabatas.
Humarap din sa pagdinig ang mga dating empleyado ng ABS-CBN kung saan inilahad nito ang kanilang sitwasyon noon na bigla na lamang tinanggal sa trabaho ng network sa iligal na proseso.