Umalma ang pamuan ng Century Peak Tower sa ginawang raid sa dalawang palapag ng kanilang gusali noong nakaraang linggo.
Ayon sa legal counsel ng kumpanya na si Atty. Baby Arcega, kanilang kinuwestyon ang ginawang operasyon ng Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) at National Capital Regional Police Office o NCRPO lalo na’t lumalabas na ang target na search warrant ay ang Vertex Technology Corp. na higit isang taon nang wala sa building.
Paliwanag ng abogado, maraming lapses ang operasyon kung saan nagdulot ito ng takot sa ibang mga tenant ng building.
Kaugnay nito, lumapit na sila sa National Police Commission o NAPOLCOM at Department of the Interior and Local Government o DILG para idulog ang naging problema sa ikinasang raid sa Century Peak Tower at imbestigahan ito.
Nagpadala na rin sila ng sulat sa Branch 40 ng Manila RTC na nag-isyu ng search warrant para ireklamo ang naging operasyon ng mga awtoridad.
Matatandaan na sinalakay ng mga awtoridad ang nasabing building dahil sa nakuha nilang impormasyon na may scam hub na mariin namang itinatanggi ng management ng building.
Kasalukuyan namang bantay-sarado ng mga tauhan ng NCRPO ang labas ng building at mahigpit na seguridad ang kanilang ipinatutupad.