Tiniyak ng pamunuan ng Department of Social Welfare and Development o DSWD na handa ang ahensya na magbigay ng cash assistance sa mga maliliit na rice retailer na nawalan ng kita dahil sa ipinatupad na itinakdang price ceiling ng bigas ngayong araw.
Ayon kay DSWD Secretary Gatchalian, inatasan umano siya ni President Bongbong Marcos Jr., na gamitin ang Sustainable Livelihood Program o SLP ng departamento upang tulungan ang mga maliliit na mga rice retailer na ma-recover ang kanilang mga nawalang kita mula sa temporary price cap.
Paliwanag pa ni Secretary Gatchalian na napag-usapan umano nila ng pangulo kahapon na gagamitin ulit ang SLP ng DSWD para naman matulungan ang mga maliliit na retailers na naapektuhan nitong pansamantalang price cap sa bigas.
Sa ilalim ng Executive Order No. 39 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong August 31, itinakda ang price ceiling para sa regular milled rice na ₱41 bawat kilo habng itinakda naman ang well-milled rice na ₱45 bawat kilo.
Paliwanag ng kalihim na ang SLP ay kasalukuyang mayroong ₱5.5 billion budget kung saan agad na magagamit para tulungan ang mga tatamaan ng price cap ng rice lalong-lalo na ang mga maliliit na rice retailer na mayroong napakaliit na imbentaryo.
Dagdag pa ni Gatchalian na hinihintay na lamang nila ang mga listahan na mga kwalipikadong maliliit na rice retailers na ibibigay ng Department of Trade and Industry o DTI at ang Department of Agriculture o DA.
Umaasa ang kalihim na sa susunod na linggo ay makapagbigay na ang DSWD ng payout sa ilalim ng Sustainable Livelihood Grant para sa mga apektadong rice retailers.
Binigyang diin pa ni Secretary Gatchalian na ang DSWD ay handang simulan ang nationwide payout sa mga qualified recipient ng tulong pinansyal na may maximum na ₱15,000.