Pamunuan ng DSWD, umapela sa LGUs na huwag ipitin ang relief goods na ibinabahagi ng ahensiya

Nanawagan si Social Welfare Secretary Erwin Tulfo sa Local Government Units (LGUs) na huwag ipitin ang mga relief goods na ibinababa ng ahensya bilang paghahanda sa anumang kalamidad.

Sa ginawang pag-inspeksyon ni Tulfo kahapon sa National Resource Operations Center sa Pasay City, sinabi nitong mayroong ipinatutupad na “first in, first out” kung saan dapat ilabas at ipamigay na ang relief items sa mga nangangailangan.

Ipinaliwanag ng kalihim na wala namang dapat ikabahala ang LGUs sakaling maubusan ng suplay dahil kailangan lang na mag-request sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) Central Office at agad na magpapadala ng panibagong stock.


Ibinida rin ni Tulfo na sa NROC ay kayang mag-produce ng DSWD ng 20,000 boxes ng food packs kada araw.

Nagbigay na ng direktiba si Secretary Tulfo na ibaba na sa mga rehiyon ang suplay ng relief goods upang ma-preposition ng LGUs at maging handa sa panahon ng kalamidad tulad ng bagyo.

Binigyang diin pa ni Tulfo na malinaw ang utos ni Pangulong Bongbong Marcos na dapat maging proactive at hindi reactive ang gobyerno kaya ibinubuhos na sa lokalidad ang relief items.

Batay sa inspeksyon, sapat pa aniya ang suplay ng food packs gayundin ang pondo para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program at sustainable livelihood.

Facebook Comments